TOL: Pangmatagalang plano, kailangan para sa mga residente, agrikultura sa mga apektadong komunidad sa Kanlaon
January 9, 2025
TOL: Pangmatagalang plano, kailangan para sa mga residente, agrikultura sa mga apektadong komunidad sa Kanlaon
Panahon na para ikonsidera ng pamahalaan ang pangmatagalang plano para sa relokasyon ng mga komunidad sa loob ng six-kilometer permanent danger zone (PDZ) sa paligid ng Mt. Kanlaon sa Negros Island Region (NIR).
Ito ang posisyon ni Senate Majority Leader Francis TOL Tolentino kaugnay sa tuluy-tuloy na pag-aalburoto ng Mt. Kanlaon, kasama ang posibilidad ng malakas na pagsabog, batay sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa panayam sa programa sa radyo ng senador, iniulat ni Canlaon City Mayor Jose Cardenas na aabot na sa P1 bilyon ang pinsala sa lokal na agrikultura dulot ng pag-aalburoto ng bulkan.
Dagdag ni Cardenas, halos nasaid na rin ang quick response funds na gamit ng local government units (LGUs) para bigyan ng pagkain at ibang pangangailangan ang mga apektadong residente.
"Umabot na sa P948 milyon ang pinsala sa aming agrikultura mula Hunyo noong isang taon," ayon sa alkalde. Tinutukoy nya ang serye ng mga pagsabog ng bulkan, kasama noong Hunyo 3 at Disyembre 9 - na nagbunsod sa deklarasyon ng Alert Level 3 mula sa Phivolcs.
Sa ilalim ng Alert Level 3, lahat ng mga komunidad sa loob ng six-kilometer PDZ mula sa summit ng bulkan ang dapat permanenteng ilikas dahil sa nakaambang peligro.
"Mahirap maglagay ng timetable sa isang volcanic activity, na maaaring tumagal ng maraming buwan hanggang mga taon. Hindi ito gaya sa ibang sakuna, tulad ng bagyo, pagbaha, at sunog na ilang oras o araw ang karaniwang itinatagal," paliwanag ni Tolentino.
Kasunod nito ay sumang-ayon ang senador sa mungkahi ni Cardenas sa pambansang pamahalaan para magtalaga ng permanent relocation site sa isang ligtas na lugar para sa relokasyon ng mga residente sa loob ng six-kilometer PDZ
Kung ligtas na naman ay maaari pa ring bumalik ang mga residente sa kanilang mga lupain, na maaaring gawing agricultural zone, ipinunto pa ng alkalde.
"Dapat ikonsidera ng pamahalaan ang ganyang mungkahi, para mabawasan ang mabigat ng dalahin ng LGUs, at para tulungang makabalik sa normal ang kabuhayan ng mga apektadong residente," pagdidiin ni TOL.
Magugunita na may kahalintulad ding programa si Tolentino nang magpagawa ito ng pabahay para sa relokasyon ng 425 pamilya sa Talisay, Batangas, matapos ang malakas na pagsabog ng Bulkang Taal noong 2020.
Mahaba ang karanasan ni TOL sa disaster preparedness at management bilang dating Tagaytay City Mayor at Chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ayon sa mga opisyal na ulat, aabot sa halos 4,000 pamilya na binubuo ng 15,000 indibidwal ang inilikas mula sa 15 barangays sa Canlaon sa Negros Oriental, at La Castellana, Bago, at La Carlota sa Negros Occidental. Ang mga komunidad na ito ay nakapaloob sa six-kilometer PDZ.
Distribution channels:
Legal Disclaimer:
EIN Presswire provides this news content "as is" without warranty of any kind. We do not accept any responsibility or liability for the accuracy, content, images, videos, licenses, completeness, legality, or reliability of the information contained in this article. If you have any complaints or copyright issues related to this article, kindly contact the author above.
Submit your press release